June 8, 2004.
Alas-nuebe pa ng umaga ang pasok ko ayon sa aking class schedule pero alas-singko pa lang ay nagising na ako. Napagtanto ko noon na hindi pala ako nakatulog ng maayos dahil sa sobrang excitement na dala ng unang araw ng pasok ko sa isang kolehiyo. Kinagabihan pa lang ay ayos na agad ang gamit ko - ang sling bag ko, ang bagong filler notebook, mga ballpen at ang bagong plantsa kong uniporme. Dali-dali akong naligo at nagbihis. Sa sobrang excitement ko ay nasuka pa ako bago suotin ang uniporme, (Ganun talaga ako pag nasosobrahan sa nerbyos.)
Medyo mahaba-haba pa ang byahe ko mula Cainta patungong UST. Wala pa kasing LRT noon kaya bus ang sinasakyan ko tapos ay bababa na lamang ako sa may Vicente Cruz sa Pureza. Dahil hindi ko kabisado ang daan ay pinilas ko ang isang pahina ng mapa ng aking ama upang maging gabay sa pagtahak ng daan papuntang UST. Kung iisipin ko ngayon, mukha akong si Diego sa aking itsura. Mabuti na lamang at walang nagtangkang nakawan ako noong mga panahong iyon.
Alas-otso na noong nakarating ako sa UST. Kinakabahan ako kasi hindi ko pa alam kung handa na nga ba ako ngunit pinagmasdan kong mabuti ang Engineering Building kung saan ako mamamalagi bilang isang college student. Isa lang ang ipinangako ko sa sarili ko noon - tatapusin ang ECE sa loob ng limang taon.
Dali-dali kong hinanap ang Room 310 kung saan ang una kong klase - DRAW101 (Engineering Drawing 1.) Natuwa ako kasi puro drawing tables yung nasa classroom noon, isang babaeng kaklase ko pa lang ang nandun noon kaya tinabihan ko na sya. Nakipagkilala ako na parang sabik sa pakikipagkamay - sya daw si Dianne. Mga tatlumpung minuto bago napuno ang classroom, mga 30 ata kami noon at 90% ay lalake. (Hindi na ako nagulat dahil Engineering ito.)
Pagkatapos noon ay unti-unti nang nagkakila-kilala kaming magkakaklase. Halu-halo ang ugali namin - may mga tahimik lang, may palabiro agad, may walang pakialam sa mundo, at syempre nagsama-sama ang mga babae, anim lang sila noon eh. Tatlumpu kami noon, pero dalawamput-lima lang sa amin ang nakagraduate. Limang taon kaming naging magkakaklase, kaya alam na namin ang hilatsa ng bituka ng bawat isa.
Masasabi kong malayo sa buhay ko noong high school ang college - sobrang layo. Pero gayunpaman, marami akong natutunan sa sarili ko, sa pakikitungo sa iba’t-ibang uri ng tao, at sa pakikisalamuha sa iba’t-iabng uri ng propesor. Ang limang taon ko sa kolehiyo ang isa sa mga hindi ko makakalimutang bahagi ng buhay ko bilang isang tao. Baon-baon ko ang lahat ng ala-ala nung mga panahong iyon hanggang ngayon.
